Sino nga ba si Rizal sa buhay ng bawat kabataan? Halika’t ating tuklasin ang ilan..
Ayon sa isang manunulat..
Sa karamihan, si Rizal ay kilala lamang diumano, dahil siya ang ating pambansang bayani. Sa ilan, ay isa lamang rebulto sa Luneta at isang tao mula sa kahapon. Ngunit kung ating pagtutuunan ng pansin, maraming bagay ang itinuro ni Rizal sa karamihan ng mga Filipino. Ilan rito ay ang lubos na pagmamahal sa bayan at sa sariling wika. Ang mga aral na ito rin ang naging susi upang makamit ng Pilipinas ang minimithing kasarinlan. Bagamat siya’y pumanaw na, nanatili pa rin siyang buhay sa ating puso’t isipan.
Dumako naman tayo sa isang manunulat na matabil ang pananalita at pagiisip..
Ayon sa manunulat na ito..
Maraming bagay ang hindi natin nalalaman ukol kay Rizal. At iyon ay dahilan sa maraming bagay na hindi itinuturo ng mga guro at malalaman mo lamang sa iyong sariling pagsisikap. Ilan sa mga dapat raw nating tuklasin ay ang mga sumusunod:
- Ano ba talaga ang tunay na naisin ni Rizal sa ating bansa? Ang palayain ba sa pananakop ng Kastila o ang maging probinsya ang Pilipinas ng Espanya?
- Kumusta naman kaya ang moral na buhay ni Rizal? Ano ang pagtingin at naging pagturing niya sa babae? Babaero ba si Rizal? Tama din kayang makipagrelasyon sa isang pinsan? (Kapag minsang magawi ka sa Dakak, daan ka sa Dapitan... doon mo makikita ang kasagutan!)
- Saang wika ba orihinal na isinulat ni Rizal ang tanyag na "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa malansang isda.", sa Filipino ba o sa Kastila? Isama na rin natin ang dalawa pa niyang nobela, ano kaya ang batayan na magsasabi na mahal ni Rizal ang sariling wika? Mahusay ba kaya talagang managalog si Rizal? Marami daw siyang alam na ibang wika, ngunit ilang wika ba sa Pilipinas ang alam niyang bigkasin o gamitin maliban sa Tagalog?
Ikaw na ang bahalang tumuklas at humusga..
Pansariling reaksyon:
Tunay nga yatang marami tayong hindi nalalaman kay Rizal kung hindi natin ito pagtutuunan ng pansin at oras. Kung kaya’t napakalaking opurtunidad ang magkaron ng asignaturang Rizal sa mga eskwelehan. Dapat isaalang-alang na huwag nating limitahan ang ating kaalaman. Hindi dahilan ang kakulangan ng guro sa pagtuturo dahil maaari naman tayong gumawa ng paraan para malaman natin ang mga bagay na nais nating malaman. Bagama’t may mga bagay na nagpagulo sa aking kaisipan, masasabi ko pa rin na isang dakilang tao sa Rizal. Oo nga’t karamihan ng kaniyang isinulat ay hindi sa salitang ating nalalaman ngunit sa palagay ko’y ito ay sa dahilang ang mga pinapatamaan at binabatikos niya ay mga Kastila at sila ay hindi nakaiintindi ng tagalog. Oo nga’t may kakulangan at pagkakamali siya sa hindi pagsasalin sa tagalog ng kaniyang mga isinulat pero sa palagay ko’y tayong mga nasa paligid niya ang maaaring magpuno ng kaniyang pagkukulang.
Sa kabila ng lahat, isang bayan at pare-pareho tayong mamamayan ng Pilipinas, bakit kailangan nating batikusin ang taong minsang nagbigay ng tulong at naging dahilan ng kasarinlan ng bawat isa sa atin? Hindi ba’t marapat na siya ay bigyang respeto at karangalan?
May kaniya-kaniyang pananaw ang bawat kabataan o kahit sinuman. Isang karapatan na dapat nating respetuhin gaya na lamang ng turo ni Rizal na pakinggan at bigyang galang ang sinabing opinyong ng bawat isa. Kayo na ang bahalang humusga. Sino ba talaga si Jose Rizal sa buhay mo?